ANG PAPEL NG LIPUNAN SA KABATAAN
By: Eunice Erika S. Garcia
Ano nga ba ang kahalagahan ng lipunan sa buhay ng kabataan? Ang bawat tao ay nabibilang sa isang pangkat o grupo ng mamamayan na nagkakaisa sa sariling kultura, tradisyon at paniniwala. Mula sa kapanganakan ng tao ay ipinapakilala na ang kapaligirang kanyang kagigisnan at sa pagtanda niya’y lipunan ang may malaking kontribusyon sa paghubog ng kanyang personalidad at pagkatao.
Ang mga kabataan, sa kanilang pagtanda ay nagiipon ng mga kaalaman at iba’t ibang impormasyon na maaaring maging kapaki-pakinabang sa kanilang buhay. Ang pagiging mausisa ay natural lamang ngunit kadalasan, lalo na kung walang tama at mabuting patnubay, ang paguusisa ay nagdudulot ng kapusukan at pagiging mapageksperimento ng kabataan.
Mahalaga ang papel na ginagampanan ng lipunan sa buhay ng mga kabataan. Lipunan ang isa sa mga aspetong bumubuo sa kung paano ang nagiging pagtanaw ng kabataan sa kanilang sarili at sa mga taong nakakasalamuha nila.
Lipunan ang nagdidikta kung ano ang tama, mali, mabuti at hindi. Sa murang pag-iisip ng kabataan, wala pa silang sapat na kakayahang mawari kung ano ang naaayon at ang hindi katanggap-tanggap. Responsibilidad ng komunidad na kinabibilangan ng bawat isa na gabayan ang kabataan sa kanilang mga desisyon upang hindi sila maging sakit ng lipunan.
Marami ang nagsasabing sakit nga sa ating lipunan ang mga kabataan sa kasalukuyan, ngunit kung susuriing mabuti, sila pa nga ang biktima. Nakababahala ang dumadaming kaso ng pangaabuso at pagpapabaya sa kabataan.
Ang mga kabataang nagkalat sa kalye, na sa murang edad ay natututo nang magnakaw at pumasok sa trabahong may kinalaman sa pagbebenta ng sarili ay dulot ng juvenile delinquency o ang kapabayaan ng mga iresponsableng magulang sa kanilang mga anak. Ang napakaraming kaso ng child laborers ay sumasalamin sa pagsasawalang-bahala ng lipunan sa mga karapatan ng kabataan.
Bilang mga miyembro ng iisang lipunan, marapat lamang na bigyang-halaga at pangalagaan natin ang mga kabataan. Mayroong mga batas tulad ng Republic Act 9231 na nagsusulong ng mga karapatan nila na dapat nating isaalang-alang.
Patnubay hindi lamang ng sariling pamilya ngunit maging ng lipunan ang kailangan ng kabataan upang hindi sila maligaw ng landas at sa halip ay maging pag-asa pa ng pagsulong ng kalagayan ng lipunan
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento